Nabahala ang Department of Education (DepEd) sa naganap na shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City kaninang umaga na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng lima.
Ayon sa DepEd, itinuturing nila ang insidente bilang isang high-alert situation at agad na pinakilos ang kanilang Central Office, pati na ang regional at division offices, upang tiyakin ang seguridad sa loob at paligid ng paaralan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd Region 8 sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa agarang pag-deploy ng medical assistance, pati na rin ng psychosocial interventions para sa mga estudyante, guro, at iba pang personnel na naapektuhan ng insidente.
Sinabi rin ng kagawaran na bibigyang prayoridad ang counseling at trauma support services para sa mga mag-aaral at staff, kasabay ng patuloy na assessment sa sitwasyon ng paaralan.
Batay sa ulat ng pulisya, isa sa mga suspek ay isang child in conflict with the law (CICL) at kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.










