Pormal nang sinam-pahan ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ng reklamong cyberlibel sa Department of Justice (DOJ) sina Senators Alan Peter Cayetano at Rodante Marcoleta, gayundin ang 18 indibidwal na nagpapakilalang dating bodyguard umano ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Ang pagsasampa ng kaso ay may kaugnayan sa Blue Ribbon Committee hearing na idinaos ng Cayetano bloc noong Hunyo 4, na tinawag ni Trillanes na ‘rogue hearing.’
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Trillanes na malinaw na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga naturang senador at 18 indibidwal upang isagawa ang ‘paninira’ laban sa kanya. Iginiit pa ni Trillanes na ang mga naturang senador ay walang parliamentary immunity o awtoridad na magdaos nang pagdinig.
Samantala, sinabi rin ng dating senador na inulit ng naturang 18 indibidwal ang mga alegasyon laban sa kanya sa naturang pagdinig kaya’t wala rin aniyang parliamentary immunity ang mga ito.
Una nang sinampahan ni Trillanes ng mga kasong perjury at cyberlibel complaints ang naturang mga dating bodyguards noong Marso.
Tiniyak naman ni Trillanes na habang patuloy na nagpapagamit ang mga naturang dating bodyguards sa kanilang political backers ay patuloy silang magkakaroon ng mga konsekwensiya na haharapin.
Matatandaang sa naturang pagdinig, na pinamunuan nina Cayetano at Marcoleta, inakusahan ng mga dating bodyguards ang mas marami pang opisyal na tumanggap umano ng mga maleta na naglalaman ng umano’y kickback mula sa flood control projects.











