--Ads--

Nagpahayag ng pagkadismaya ang isang road safety advocate sa patuloy na paglaganap ng ilegal na drag racing ng mga menor de edad sa ilang bahagi ng lalawigan ng Isabela at nanawagang paigtingin ang pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang mga posibleng trahedya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joey S. Tejada, Founding Chairman ng Isabela Pro Riders Club Incorporated, sinabi niyang nakababahala ang mga kumakalat na video sa social media na nagpapakita ng mga kabataang nagsasagawa ng ilegal na drag racing at mapanganib na motorcycle stunts sa mga pampublikong lansangan.

Ayon kay Tejada, may tamang lugar para sa mga nagnanais sumubok ng drag racing at iba pang motorsports, at hindi ito dapat isinasagawa sa mga pampublikong kalsada dahil nalalagay sa panganib hindi lamang ang mga kalahok kundi maging ang ibang motorista at mga bystander.

Aniya, napapansin nilang talamak ang ganitong aktibidad sa ilang lugar sa lalawigan, kabilang ang mga bayan ng Roxas at Tumauini, kung saan marami sa mga sangkot ay mga menor de edad at estudyante.

--Ads--

Naniniwala si Tejada na isa sa mga dahilan ng pagdami ng mga lumalahok sa ilegal na drag racing ay ang impluwensya ng social media, kung saan ginagaya ng ilang kabataan ang mga napapanood nilang video at nahihikayat ng mga komentong nagtutulak sa kanila na patunayan ang kanilang kakayahan.

Binigyang-diin din niya na marami sa mga sangkot ay walang driver’s license at hindi nagsusuot ng helmet at iba pang riding safety gear, dahilan upang lalo pang tumaas ang panganib ng malubhang aksidente.

Hinimok niya ang mga barangay, lokal na pamahalaan, Public Safety Office ng Isabela at iba pang kinauukulang ahensya na magpatupad ng mas mahihigpit na lokal na ordinansa at paigtingin ang monitoring at enforcement laban sa ilegal na drag racing bago pa ito humantong sa pagkawala ng buhay.

Nagbabala rin si Tejada na bukod sa panganib ng aksidente, maaari ring mauwi sa alitan at karahasan ang mga ilegal na karera, lalo na kung may kasamang pustahan, na maaari umanong magbunsod ng mas seryosong insidente.

Nanawagan din siya sa mga gumagamit ng social media na maging responsable sa pagbabahagi ng mga video ng ilegal na drag racing. Aniya, kung alam na mali at labag sa batas ang isang gawain, mas makabubuting huwag na itong i-post o gawing content dahil maaari lamang itong tularan ng ibang kabataan na naghahanap ng atensyon o nais makisabay sa uso.