Pinaigting ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Alicia ang pagsasagawa ng earthquake at evacuation drills sa mga paaralan bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng pagtama ng lindol at iba pang kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bryan Mayoralgo, Head ng MDRRMO Alicia, sinabi niyang hindi lamang earthquake drills ang kanilang isinasagawa kundi maging maayos na evacuation drills upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani sakaling magkaroon ng emergency.
Ayon kay Mayoralgo, patuloy din nilang tinutukoy at sinusuri ang mga ligtas na evacuation areas upang matiyak na mabilis at maayos na maililikas ang mga residente at mga nasa paaralan kapag may sakuna.
Dagdag pa niya, prayoridad ng kanilang tanggapan ang mga paaralang may matataas at maraming gusali dahil mas nangangailangan ang mga ito ng organisado at sistematikong evacuation procedures.
Kasabay ng mga pagsasanay, patuloy ring nagbibigay ng paalala ang MDRRMO kasunod ng mga ulat ng aktibidad ng lindol sa ilang bahagi ng Cagayan Valley upang higit pang mapataas ang antas ng kahandaan ng mga paaralan at komunidad.
Layunin ng programa na masanay ang mga mag-aaral at guro sa tamang pagtugon sa oras ng lindol at iba pang emergency, habang pinalalakas ang kultura ng disaster preparedness sa buong bayan ng Alicia.











