Pinag-aaralan ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang posibilidad ng paglalagay ng mga metal detector sa mga paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad at pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar Dy jr. Sinabi niya na , kabilang ito sa mga hakbang na maaaring ipatupad kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), lalo na sa mga malalaking paaralan na may mataas na bilang ng estudyante.
Layunin ng panukala na magkaroon ng mas maayos na pag-iinspeksyon sa mga dalang gamit ng mga mag-aaral bago makapasok sa loob ng campus upang maiwasan ang pagpasok ng anumang mapanganib o ipinagbabawal na kagamitan.
Kasunod ito ng mga usaping may kaugnayan sa school bullying at mga insidenteng nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga estudyante sa iba’t ibang lugar.
Sa kasalukuyan, wala pang nakalalagay na metal detector sa mga pampublikong paaralan sa lungsod, ngunit isa ito sa mga opsyong pinag-uusapan upang mapalakas pa ang umiiral na seguridad.
Bukod sa panukalang ito, patuloy din ang pagdaragdag ng presensya ng kapulisan sa paligid ng mga paaralan bilang bahagi ng mas pinaigting na pagbabantay at pagpapanatili ng kaayusan.











