Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang bagong digital platform na layong gawing mas bukas, madaling ma-access, at may pananagutan sa publiko ang lahat ng pondong ginagastos ng pamahalaan.
Ang bagong sistema ay tinawag na Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics o DBM COMPASS na binuo ng Department of Budget and Management.
Kasabay nito, pinangunahan din ng Pangulo ang pagpapatibay sa updated Philippine Public Financial Management Reform Roadmap 2024–2028 upang mas mapalakas ang pamamahala sa pananalapi ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pera ng bayan ay para sa bayan kaya karapatan ng bawat Pilipino na makita at masubaybayan kung saan napupunta ang kanilang pinaghirapang buwis.
Sa pamamagitan ng DBM COMPASS, magkakaroon ang publiko ng isang online portal na naglalaman ng mga interactive charts upang madaling mahanap ang mga badyet, obligasyon, at aktuwal na perang nailabas na ng bawat ahensya at rehiyon.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na ang maayos na pamamahala sa pondo ay may direktang epekto sa mabilis na pagtatayo ng mga paaralan, mas maayos na ospital, tulong sa mga magsasaka at mangingisda, at pagpapatupad ng mga proyekto kahit sa malalayong lugar.
Binigyang-diin ni Pang. Marcos na pinalawak din ng gobyerno ang Project DIME na gumagamit ng mga satelayt upang mabantayan ang mga imprastraktura sa bansa.
Inutusan ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na itama ang kanilang mga badyet sa mga pangunahing prayoridad ng bansa at ayusin ang kanilang pag-uulat at pagbabantay sa mga proyekto. Binigyang-diin niya na upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan, hindi sapat na tama ang badyet sa papel kundi dapat ay nararamdaman ito ng taumbayan.











