Arestado ang isang 42-anyos na lalaki matapos umanong tutukan ng baril ang isang 17-anyos sa Barangay Raniag, Burgos, Isabela matapos itong tumangging magpautang ng P100.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jayson Martinez, Deputy Chief of Police ng Burgos Police Station, sinabi nitong naganap ang insidente bandang alas-11:40 ng umaga noong Hunyo 27.
Kinilala ang suspek na si alyas “Ico,” residente ng Barangay San Antonio Cabisera 2, City of Ilagan. Samantala, itinago naman sa pangalang “Kim” ang biktimang Grade 12 student at residente ng Barangay Raniag.
Batay sa paunang imbestigasyon, nanghiram umano ng P100 ang suspek sa biktima ngunit hindi ito napagbigyan. Dahil dito at habang nasa impluwensya umano ng alak, nagalit ang suspek at kumuha ng isang kalibre .45 na baril mula sa kanyang backpack at itinutok ito sa estudyante.
Dahil sa takot, agad na tumakbo ang biktima at humingi ng tulong sa kanyang nakatatandang kapatid. Kaagad naman nilang iniulat ang insidente sa mga opisyal ng barangay na siyang nakipag-ugnayan sa pulisya.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Burgos Police Station sa pakikipagtulungan ng Gamu Municipal Police Station matapos matukoy na nagtungo ang suspek sa Barangay Pintor, Gamu, Isabela.
Naaresto ang suspek sa isang palayan sa nasabing barangay matapos siyang positibong makilala ng biktima. Narekober din ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 na pistol na walang marka at serial number.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Burgos Police Station at nahaharap sa kasong Grave Threat at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, muling pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang krimen o kahina-hinalang insidente upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.











