Isang insidente ng self-imposed vehicular accident ang humantong sa pagkakaaresto ng isang lalaki matapos makita ng mga rumespondeng pulis ang isang umano’y undocumented na caliber revolver sa kanyang mga gamit sa Barangay Barucboc, Quezon, Isabela.
Bandang 2:36 ng madaling-araw, nakatanggap ng tawag ang Tactical Operation Center ng Quezon Police Station mula sa isang concerned citizen kaugnay ng isang vehicular accident na naganap sa Purok 5, Brgy. Barucboc.
Agad na inalerto ang mga duty patrollers na nakatalaga sa lugar at nagtungo sa nasabing lugar upang beripikahin ang ulat. Pagdating ng mga rumespondeng pulis, isang lalaking kinilala sa alyas “Danilo” ang kanilang nadatnang nakahandusay sa isang palayan, katabi ang kanyang single motorcycle.
Agad namang humingi ng tulong ang mga pulis sa Rescue 819 ng Quezon upang mabigyan ng kinakailangang paunang lunas ang nasugatan.
Habang inaayos ng isa sa mga rumespondeng pulis ang motorsiklo ng lalaki, napansin nito ang isang backpack na nasira umano dahil sa aksidente at nakasabit sa handlebar ng motorsiklo. Sa isinagawang pagtingin, isang caliber revolver ang nakita sa loob ng backpack at nasa plain view.
Nang hingan ng kaukulang dokumento na magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at pagdadala ng nasabing baril, nabigo ang lalaki na makapagpakita ng anumang kaukulang dokumento. Dahil dito, agad siyang inaresto ng mga operatiba para sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Bukod sa caliber revolver, narekober din ng mga awtoridad ang isang backpack, mga identification cards, cellphone charger, wallet, cash at iba pang personal na kagamitan, gayundin ang isang motorsiklo na walang nakakabit na plaka.
Isinagawa sa lugar ng insidente ang marking, inventory, at photographing ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng isang halal na opisyal ng Barangay Barucboc, Quezon, Isabela, alinsunod sa umiiral na pamamaraan.
Matapos ang isinagawang operasyon at dokumentasyon, dinala ang naarestong indibidwal sa Quezon Community Hospital upang mabigyan ng kinakailangang medical treatment at physical examination.
Samantala, dinala naman sa Quezon Police Station ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposition.
Inihahanda na rin ng Quezon Police Station ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa pamamagitan ng inquest proceedings, habang isinagawa rin ang kaukulang firearm verification sa nakumpiskang baril.











