Pinag-aaralan ng Senado ang posibilidad na paikliin ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang magkaroon pa ng sapat na panahon ang kapulungan para talakayin ang iba pang mahahalagang panukalang batas, kabilang ang panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, orihinal na inaasahang tatagal ng pito hanggang walong buwan ang impeachment trial na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6. Sa ilalim ng naturang iskedyul, inaasahang matatapos ang paglilitis pagsapit ng Pebrero ng susunod na taon.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na pinag-aaralan na ng Senado ang mga paraan upang mapabilis ang proseso nang hindi naaapektuhan ang pagiging makatarungan ng paglilitis.
Isa sa mga posibleng hakbang na tinitingnan ay ang pagbabawas sa bilang ng mga testigo at ebidensyang ihaharap sa paglilitis. Ayon sa kanya, mahigit 10,000 piraso ng ebidensya ang naitala sa isinagawang pre-trial conference.
Sa kabila nito, tiniyak ng Senado na mananatili ang itinakdang pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6. Inaasahan ding mailalabas ang pre-trial order habang binigyan ang magkabilang panig ng tatlong araw upang magsumite ng kanilang mga komento.
Samantala, sinabi ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na mananatiling bukas sa publiko ang impeachment trial alinsunod sa mga umiiral na tuntunin ng Senado. Maglalaan din umano ng mga upuan para sa mga nais na personal na masaksihan ang pagdinig.
Sa panig naman ng House prosecution panel, sinabi ni Manila Representative Joel Chua na gagamitin nila ang kapangyarihan ng Senado na mag-isyu ng subpoena upang mapaharap sa korte ang mga testigong tumatangging tumestigo o itinuturing na “hostile witnesses.”
Ayon kay Chua, kabilang sa listahan ng prosekusyon ang 57 posibleng testigo, ngunit hindi nangangahulugan na lahat ng ito ay agad na tatawagin sa paglilitis.
Ipinaliwanag niya na tanging ang mga testigong mahalaga sa pagpapatibay ng kaso ang posibleng ipatawag, at kung kinakailangan lamang ay hihilingin nila sa impeachment court na maglabas ng subpoena laban sa mga tumatangging humarap.
Kabilang sa mga nasa listahan ng mga posibleng testigo si dating Department of Education spokesperson Michael Poa, na kasalukuyang tagapagsalita ng kampo ni Duterte.
Samantala, nilinaw din ni Chua na wala silang planong ipatawag ang lahat ng mahigit 4,000 umano’y benepisyaryo ng confidential funds ng Office of the Vice President. Aniya, sapat nang pagtuunan ng pansin ang umano’y kathang-isip na pangalang “Mary Grace Piattos,” na isa sa mga sentrong usapin sa imbestigasyon kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Nauna nang sinabi ng Philippine Statistics Authority na wala itong rekord ng kapanganakan o kasal para sa pangalang “Mary Grace Piattos,” na ginamit umano sa ilang liquidation documents ng confidential funds.
Patuloy na pinag-uusapan ng Senado at ng mga partido sa kaso ang mga hakbang upang matiyak na magiging maayos, patas, at episyente ang impeachment trial habang hindi naaantala ang iba pang mahahalagang gawain ng Kongreso.











