Nasawi ang isang 35-anyos na guro na siyang birthday celebrant habang 17 iba pa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang inarkilang Isuzu Elf sa Purok 1, Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino, bandang alas-6:00 ng umaga noong Hunyo 27.
Kinilala ng Nagtipunan Municipal Police Station ang nasawi bilang isang guro na residente ng Barangay Imbiao, Roxas, Isabela, na nagtuturo umano sa Indonesia. Siya sana ang ipagdiriwang ng kanyang mga kasama sa isang birthday picnic sa naturang biyahe.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng nasabing Elf ang 18 katao, kabilang ang 43-anyos na drayber, at patungo sana sila sa isang kilalang beach sa Dipaculao, Aurora para sa pagdiriwang ng kaarawan ng biktima.
Habang binabagtas ang pababang kurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Disimungal, bigla umanong pumalya ang preno ng sasakyan. Sinubukan pa ng drayber na isadsad ang sasakyan sa gilid ng kalsada upang maiwasan ang mas malubhang aksidente, ngunit tuluyan itong nawalan ng kontrol at dumausdus sa bangin.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at kanang braso ang birthday celebrant na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Samantala, ang 17 iba pang sakay ay nagtamo ng iba’t ibang sugat at pinsala sa katawan at agad na isinugod sa mga pagamutan.
Ilan sa mga sugatan ay inilipat pa sa mga ospital sa Roxas, Isabela para sa karagdagang gamutan. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO Nagtipunan at MDRRMO Maddela upang magsagawa ng rescue operation at mailigtas ang mga biktima.
Sa paunang imbestigasyon, mechanical failure o pagkawala ng preno ang pangunahing tinitingnang sanhi ng aksidente na nagresulta sa pagkawala ng kontrol ng drayber sa sasakyan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay MDRRM Officer Nolie S. Tigas ng Nagtipunan, Quirino, sinabi nitong naging malaking hamon sa kanilang rescue team ang paglikas sa mga biktima dahil sa lalim ng bangin na pinagbagsakan ng sasakyan.
Ayon kay Tigas, tinatayang nasa 80 metro ang lalim ng bangin, kaya napilitan silang dumaan sa mas mababang ruta na may layong halos 100 metro upang mas mabilis at mas ligtas na marating ang mga biktima.
Sa kabila ng mahirap na terrain, agad namang nakarating sa lugar ang mga responder at naisugod sa ospital ang mga sugatan sa loob lamang ng halos isang oras mula nang matanggap ang report.
Sinabi rin ni Tigas na bagama’t ito ang unang pagkakataong may sasakyang nahulog sa naturang bangin, matagal nang itinuturing na accident-prone area ang bahaging iyon ng kalsada dahil sa matatarik at mapanganib na kurbada.
Dahil dito, kaya mayroon silang nakahandang Quick Assistance Response Team (QART) ang lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa anumang sakuna o aksidenteng maaaring mangyari sa lugar.







