Umabot na sa tinatayang P32.77 milyon ang halaga ng pinsala dulot ng fish kill sa Magat Dam matapos madagdagan ng mahigit P10 milyon sa loob lamang ng isang araw ang naitalang pagkalugi ng mga fish cage operators.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerico Gibe, Provincial Fisheries Officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Isabela, sinabi niyang batay sa pinakahuling field validation ay umabot na sa 191 fish cage operators ang naapektuhan sa mga bayan ng Ramon at Cordon.
Ayon kay Gibe, tinatayang mahigit 330 metric tons ng isda ang namatay mula sa 1,444 fish cage units sa Magat Dam, na katumbas ng tinatayang P32.77 milyong pagkalugi.
Sinabi niya na karamihan sa mga fish cage operators ay halos wala nang nailigtas na isda kaya ang natitirang mga buhay na isda ay agad nang ipinagbibili o isinasailalim sa forced harvest upang mabawasan ang kanilang pagkalugi.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Gibe ang kahalagahan ng tamang disposal ng mga namatay na isda matapos maalarma ang BFAR sa mga ulat na may ilan umanong itinapon na lamang sa ilog ang mga ito, na maaaring magdulot ng karagdagang polusyon sa tubig.
Aniya, agad namang kumilos ang Lokal na Pamahalaan ng Ramon sa pamamagitan ng paghuhukay ng mga disposal pit upang doon ilibing ang mga namatay na isda at maiwasan ang mas malawak na kontaminasyon sa iba pang bahagi ng lawa.
Bagama’t may ilang fish cage operators na mayroon pang natitirang buhay na isda, sinabi ni Gibe na karamihan sa mga palaisdaan sa apektadong lugar ay nakaranas na ng fish kill dahil sa pagbaba ng dissolved oxygen at pagtaas ng ammonia sa tubig bunsod ng pagde-decompose ng mga namatay na isda.
Pinayuhan din niya ang mga fish growers na sundin ang tamang stocking density, feeding management at carrying capacity ng kanilang mga fish cage upang mabawasan ang posibilidad ng fish kill sa hinaharap.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na mayroon na ring mga naitatalang fish kill sa ilang fishponds sa lalawigan. Dahil dito, patuloy ang isinasagawang assessment ng BFAR upang matukoy ang lahat ng naapektuhang fish farmers.
Dagdag pa niya, may nakahanda ring rehabilitation program ang BFAR para sa mga maaapektuhang mangingisda at fish growers, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, upang matulungan silang makabangon mula sa pagkalugi dulot ng insidente.










