--Ads--

Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office o PESO Cauayan, ang Cauayan City Job Portal, isang online platform na layong mapadali ang paghahanap ng trabaho at mapalawak ang access ng mga residente sa mga oportunidad sa hanapbuhay.

Pinangunahan ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ang paglulunsad ng programa kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, PESO Cauayan, mga katuwang na ahensya, at mga pribadong kumpanya.

Sa pamamagitan ng naturang job portal, maaari nang magrehistro ang mga naghahanap ng trabaho, maghanap ng mga bakanteng posisyon, at magsumite ng aplikasyon online sa mga kumpanyang katuwang ng lungsod. Magagamit din ito ng mga employer sa pag-post ng job vacancies at paghahanap ng mga kwalipikadong aplikante sa mas mabilis at mas episyenteng paraan.

Ayon kay Mayor Dy, mahalagang hakbang ang paglulunsad ng Cauayan City Job Portal sa patuloy na modernisasyon ng mga serbisyong pang-empleyo ng lungsod.

--Ads--

Aniya, layunin ng lokal na pamahalaan na mailapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga residente sa pamamagitan ng teknolohiya habang tinutulungan ang mga negosyo na makahanap ng mga manggagawang angkop sa kanilang pangangailangan.

Dagdag pa ng alkalde, patuloy na pinalalakas ng pamahalaang lungsod at ng PESO Cauayan ang mga programang may kaugnayan sa employment facilitation at job matching upang mabigyan ng disenteng hanapbuhay ang mas maraming Cauayeño at mapalakas ang lokal na ekonomiya.

Hinimok din niya ang mga job seeker at employer na gamitin ang Cauayan City Job Portal upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon, recruitment, at pag-uugnayan ng mga kumpanya at mga kwalipikadong aplikante.

Umaasa ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan at PESO Cauayan na magiging mahalagang kasangkapan ang bagong online platform sa pagpapalawak ng employment services at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga residente ng lungsod.