--Ads--

Nasawi ang hindi bababa sa walong katao habang 25 naman ang nasugatan matapos ang malawakang drone at missile attack na inilunsad ng Russia laban sa Kyiv, Ukraine.

Ayon kay Kyiv Military Administration Head Tymur Tkachenko, tinamaan ng pag-atake ang ilang residential area na nagdulot ng matinding pinsala sa mga gusali at iba pang imprastraktura, kabilang ang isang ambulance station.

Dahil sa insidente, napilitang lumikas ang mga residente sa ilang bahagi ng lungsod habang sunod-sunod na pagsabog at sunog ang naitala sa iba’t ibang lugar. Nagsagawa rin ng rescue operations ang mga awtoridad upang hanapin ang mga posibleng naipit sa mga nasirang gusali.

Nauna nang nagbabala si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na maaaring magsagawa ang Russia ng isang malawakang opensiba laban sa Ukraine. Ayon sa mga ulat, pinaikli pa niya ang isang nakatakdang pagbisita sa ibang bansa matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa nalalapit na pag-atake.

--Ads--

Samantala, nagpalipad ng mga fighter jet ang Poland bilang pag-iingat at upang maprotektahan ang airspace nito kasunod ng panibagong pag-atake ng Russia sa karatig-bansa nitong Ukraine.

Ang naturang opensiba ay kabilang sa pinakamalalaking drone at missile attack na inilunsad ng Russia laban sa Kyiv sa mga nakalipas na linggo, na muling nagpalala sa umiiral na tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa.