Isang 26-anyos na lalaki ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Turayong, Cauayan City noong Hulyo 1, 2026.
Kinilala ang suspek na si ‘John’, may-asawa, tricycle driver, at residente ng Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela at Brgy. Sillawit, Cauayan City.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:01 ng hapon nang magsagawa ng joint anti-illegal drug operation ang mga tauhan ng Cauayan CCPS sa pangunguna ni PCPT Arvin A. Asuncion, katuwang ang iba pang yunit ng Philippine National Police at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.
Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang sachet ng pinaniniwalaang pinatuyong marijuana kush sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer. Tinatayang may timbang itong isang gramo at may halagang P1,500.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang iba pang pinaniniwalaang marijuana leaves at marijuana kush na may kabuuang tinatayang timbang na nasa 20 gramo at may kabuuang halagang humigit-kumulang P3,150.
Kabilang din sa mga nakuhang ebidensya ang buy-bust money, boodle money, isang glass tube, lighter, isang Vivo Android cellphone, isang Bajaj tricycle, susi nito, at mga kaugnay na dokumento ng sasakyan.
Isinagawa ang pagmamarka, pagkuha ng larawan, at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, kabilang ang kinatawan ng National Prosecution Service at opisyal ng barangay.
Dinala naman ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Cauayan CCPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











