Tumaas sa P18.55 trilyon ang kabuuang utang ng pambansang pamahalaan noong Mayo matapos itong mangutang pa mula sa lokal na merkado upang matustusan ang pangangailangan sa pondo, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Batay sa datos ng BTr, mas mataas ng 0.41% ang utang noong Mayo kumpara sa P18.47 trilyon na naitala noong Abril. Ayon sa ahensya, pangunahing dahilan ng pagtaas ang pagdami ng inisyu at naibentang domestic securities ng pamahalaan.
Sinabi ng BTr na nagpatuloy ang pangungutang ng gobyerno upang masuportahan ang mga gastusin nito sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan. Nakatulong naman ang pagtaas ng halaga ng piso laban sa dolyar at iba pang dayuhang salapi upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng utang.
Lumobo ng 0.65% ang domestic debt sa P12.5 trilyon, habang bahagyang bumaba ng 0.07% ang foreign debt sa P6.05 trilyon sa parehong panahon.










