Inanunsyo ng Sandiganbayan nitong Biyernes na pansamantala nitong inarchive o itinatabi ang kasong kriminal laban sa nagbitiw na mambabatas at puganteng si Elizady “Zaldy” Co.
Nagpasya ang anti-graft court na i-archive ang kasong graft ni Co dahil nananatili itong malaya at nagtatago mahigit anim na buwan matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya. Nagsumite na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng Return of the Warrant dahil bigo silang matagpuan si Co sa lahat ng mga address na nakasaad sa dokumento.
Noong Nobyembre 2025, isinampa ng Office of the Ombudsman ang kasong graft laban kay Co kaugnay ng umano’y anomalya sa P289 milyong dike flood control project sa Oriental Mindoro. Ayon sa Ombudsman, si Co ang kinilalang may-ari ng Sunwest Incorporated, na isa sa mga naging kontratista ng maanomalyang proyekto.
Nagsilbi rin si Co bilang chairman ng House Appropriations Committee noong binubuo ang 2025 national budget na nabalot din ng mga kuwestiyonable o iregular na pondo.
Nilinaw ni Panolong na ang pag-archive ay hindi nangangahulugang ibinasura na ang kaso. Sa oras na maaresto o kusang sumuko si Co, muling ibabalik ang paglilitis sa kalendaryo ng korte.
Idinagdag pa ng abogado na anuman ang bigat ng kaso, sinusunod ng korte ang panuntunan sa mga kasong kriminal: kapag hindi naaresto ang suspek anim na buwan matapos ilabas ang warrant, pansamantalang itatabi muna ang kaso.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, tinangkang isilbi ng mga awtoridad ang arrest warrant sa mga bahay at condominium unit ni Co ngunit bigo silang matagpuan ito.
Noong Abril, sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas na nakatanggap sila ng impormasyon na posibleng nasa Czech Republic ang dating mambabatas matapos siyang tanggihan sa border ng Germany dahil sa hindi kumpletong dokumento.
Sa pinakahuling ulat, pinaniniwalaang nasa France ngayon si Co at naghahanap ng politikal na asylum sa naturang bansa.
Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na pinag-aaralan pa nila ang naging resolusyon ng Sandiganbayan, habang wala pang inilalabas na pahayag ang NBI, PNP, at Ombudsman hinggil sa isyu.









