Arestado ang limang hinihinalang illegal loggers sa isinagawang anti-illegal logging operation sa kagubatan ng Sitio Dilucut, Brgy. Burgos, San Guillermo, Isabela.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa kanilang mga alyas na “Chris,” 42 anyos; “Mark,” 58 anyos; “Dexter,” 41 anyos; “Keano,” 50 anyos; at “Juan,” 49 anyos, pawang mga magsasaka at residente ng Brgy. Dicamay, San Mariano, Isabela.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa ng joint anti-illegal logging operation ang mga tauhan ng San Guillermo Municipal Police Station katuwang ang 205th Maneuver Company ng RMFB2, 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division (RID), at CENRO Cauayan City nang mamataan ang mga suspek na aktuwal na nagpuputol, nagsasalansan, at nagre-resize ng mga bagong putol na kahoy na White Lauan sa naturang kagubatan.
Agad na hiningan ng mga operatiba ang mga suspek ng kaukulang Chainsaw Permit, Certificate of Registration, at iba pang dokumentong inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), subalit nabigo silang magpakita ng anumang legal na papeles dahilan upang sila ay arestuhin dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act 9175 o Chainsaw Act of 2002.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang chainsaw kabilang ang isang STIHL chainsaw na may serial number na E1400690031 at isa pang STIHL chainsaw na may defaced serial number.
Narekober din ang walumpung (80) piraso ng White Lauan sa iba’t ibang sukat na may kabuuang volume na 2,611.99 board feet at tinatayang nagkakahalaga ng ₱143,659.45.
Samantala, inihahanda na ang kasong paglabag sa PD 705 at RA 9175 laban sa mga suspek para sa kaukulang inquest proceedings.











