Patay ang isang lalaki matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog habang tinatangkang kunin ang kanyang naanod na tsinelas sa Barangay Del Pilar, Cabatuan, Isabela nitong Hulyo 6.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oneil Jay Dumayas, Chief of Police ng Cabatuan Police Station, sinabi nitong bandang 5:20 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag sa kanilang hotline mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y pagkalunod sa naturang ilog.
Ayon kay PMaj. Dumayas, agad na rumesponde ang mga pulis at nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Rescue 24/7 upang magsagawa ng search and retrieval operation.
Batay sa ulat, Kinilala ang biktima na isang 30-anyos na lalaki, may asawa, at residente ng Purok 8, San Carlos, San Fermin, Cauayan City.
Lumabas sa imbestigasyon na kagagaling lamang umano ng biktima at ng kanyang mga kasama mula sa Aurora, Isabela matapos ang kanilang badminton training at nagtungo sa ilog sa Barangay Del Pilar para mag-picture-taking.
Habang nasa lugar, naanod umano ang tsinelas ng biktima at sa pagtatangkang kunin ito, tinangay siya ng malakas na agos patungo sa gitna ng ilog at tuluyang lumubog.
Bandang 6:55 ng gabi, narekober ng mga tauhan ng BFP, Rescue 24/7 Cabatuan at Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at isang volunteer diver ang katawan ng biktima.
Agad itong idinala sa Cabatuan Family Clinic, subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Ayon pa kay PMaj. Dumayas, bagama’t mistulang karaniwang bahagi lamang ng ilog ang lugar, may mga bahagi itong malalim dahil sa dating operasyon ng quarry, kaya’t pinayuhan niya ang publiko na maging maingat at iwasang lumusong sa mga lugar na hindi batid ang lalim at lakas ng agos ng tubig.











