Pinag-aaralan na ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang posibilidad na magpataw ng kaukulang parusa sa mga contractor na hindi sumusunod sa itinakdang regulasyon sa isinasagawang road project sa West Tabacal, Cauayan City.
Sa isinagawang sesyon ng Konseho muli nilang tinalakay ang matagal nang suliranin sa naturang proyekto kasunod ng mga reklamong inihain ng mga residente hinggil sa kalagayan ng kalsada at umano’y kakulangan sa pagsunod sa mga itinakdang pamantayan sa pagpapatupad ng konstruksyon.
Ayon kay Sangguniang Panlungsod Member Bagnos Maximo , iminungkahi ang pagsasagawa ng panibagong pagdinig upang masusing mapag-usapan ang usapin, subalit aniya, sa kabila ng sunod-sunod na pagpupulong ay nananatili pa rin ang problema dahil may mga contractor umanong hindi sumusunod sa umiiral na mga alituntunin.
Dahil dito, sinabi niyang pinag-aaralan ng konseho ang posibilidad na magpatupad ng kaukulang parusa laban sa mga contractor na mapatutunayang lumalabag sa kanilang obligasyon upang mapanagot ang mga ito at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ni SP MemberMaximo na hindi lamang ang Sangguniang Panlungsod ang may pananagutan sa usapin kundi maging ang mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan sa lugar na sakop ng proyekto.
Aniya, mahalagang magkaroon ng maayos na koordinasyon, malinaw na plano, at aktibong pakikipagtulungan ng lahat ng kinauukulang opisyal upang agad na maresolba ang mga suliranin at matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente.











