Bumaba ang bilang ng mga batang edad 0 hanggang 59 buwan na naitalang severely underweight sa Cauayan City nitong 2025, batay sa pinakahuling resulta ng Operation Timbang ng City Nutrition Office.
Ayon kay City Nutritionist Mary Jane Yadao, sinabi nito na na noong 2024 ay umabot sa 13,511 preschool children ang aktuwal na natimbang ng City Government Unit. Sa naturang bilang, 51 bata o katumbas ng 0.38 porsiyento ang naitalang severely underweight.
Noong 2025, tumaas sa 13,607 ang kabuuang bilang ng mga batang natimbang, na katumbas ng 96.2 porsiyentong coverage ng target na populasyon ng mga batang edad 0 hanggang 59 buwan. Kasabay nito, bumaba sa 0.30 porsiyento ang naitalang severely underweight, na nagpapakita ng pagbuti ng nutritional status ng mga preschool children sa lungsod.
Ayon sa opisyal, mahalaga ang mataas na coverage ng Operation Timbang upang matukoy ang mga batang nangangailangan ng agarang interbensyon at maipagkaloob sa kanila ang angkop na programa sa nutrisyon at kalusugan. Aniya, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng populasyon ng mga preschool children, napanatili pa rin ng lungsod ang mataas na porsiyento ng mga batang natimbang.
Binigyang-pagkilala rin ng opisyal ang mga Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers, mga opisyal ng barangay, at iba pang katuwang ng City Government Unit na naging susi sa matagumpay na pagsasagawa ng Operation Timbang sa bawat komunidad.
Dahil sa naitalang 96.2 porsiyentong coverage, kinilala rin sa antas ng rehiyon ang Cauayan City para sa mataas nitong timbangang saklaw, isang pagkilalang sumasalamin sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaang lungsod laban sa malnutrisyon at sa pagsusulong ng kalusugan ng mga bata.











