Patuloy na pinag-aaralan ng mga Regional Tripartite Wage Boards ang posibilidad ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa panayam sa Pangulo sa Pulilan, Bulacan ngayong Miyerkules, sinabi niyang masusing sinusuri ng mga wage board ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pangkalahatang kalagayang pang-ekonomiya sa bawat rehiyon upang matukoy kung kinakailangan nang magpatupad ng wage hike.
Ayon kay Marcos, inaasahang maisusumite ng mga regional wage board ang kanilang mga rekomendasyon pagsapit ng Setyembre o Oktubre.
Ipinaliwanag ng Pangulo na tuloy-tuloy ang pagsusuri ng mga wage board upang matiyak na naaayon sa kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya ang itinakdang minimum wage sa bawat rehiyon.
Binigyang-diin niya na mahalagang balansehin ang kapakanan ng mga manggagawa at ang kakayahan ng mga negosyo habang tinutukoy kung kinakailangan ang panibagong umento sa sahod.











