--Ads--

Sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Hulyo 8, sinabi ng kanyang kampo na ang umano’y mga pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez ay nag-ugat sa pagkakaaresto sa kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez.

Ayon sa depensa, labis na naapektuhan ang Bise Presidente nang ma-detain si Lopez ng House of Representatives matapos itong ma-contempt kaugnay ng imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President.

Sa pagdinig, ipinakita ng kampo ni Duterte ang video kung saan makikitang umiiyak at tumututol si Lopez sa planong paglipat sa kanya sa Women’s Correctional Facility habang nasa kustodiya ng Mababang Kapulungan.

Gayunman, nilinaw ng depensa na hindi nila ipinagtatanggol o kinukunsinti ang umano’y mga pagbabanta. Anila, layunin lamang nilang ipaliwanag ang mga pangyayaring humantong sa naturang isyu.

--Ads--

Samantala, pinaalalahanan ni Francis Escudero ang mga senator-judges na iwasang magtanong ng mga bagay na maaaring magtulak sa mga abogado na magbigay ng legal na konklusyon sa kanilang mga sagot.

Patuloy namang dinidinig ng impeachment court ang Article IV ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte, na tumatalakay sa umano’y grave threats at mga alegasyon ng planong pananakit laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.