Kinilala ng Guinness World Records ang isang 94-anyos na lolo mula sa New Zealand bilang pinakamatandang lalaki na nakapag-water ski sa buong mundo.
Naitala ni Bryan Murray ang rekord matapos siyang mag-water ski sa Lake Kereta sa Auckland noong Abril sa edad na 94 taon at 318 araw, halos isang buwan at kalahati bago ang kanyang ika-95 kaarawan.
Nagsimula si Murray sa water skiing noong 1955 at lumahok sa maraming kompetisyon sa loob ng ilang dekada. Habang tumatanda, ginawa niya itong personal na hamon at nanatiling aktibo sa isport kasama ang kanyang pamilya, na nakasama niya sa iba’t ibang torneo sa buong New Zealand.
Ayon sa ulat, itinuturing si Murray ng marami bilang inspirasyon dahil sa kanyang patuloy na pagiging aktibo sa kabila ng kanyang edad.
Sa kabila ng pagkamit ng world record, wala pa ring balak si Murray na tumigil sa water skiing at plano pa niyang mapalawig ang kanyang rekord sa susunod na tag-init.











