Bagama’t wala umanong direktang banta ang Bagyong Inday sa lalawigan ng Cagayan, nananatiling nakaalerto ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), lalo na sa mga baybaying munisipalidad na maaaring makaranas ng malalakas na alon at bugso ng hangin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PDRRMO Head Rueli Rapsing na ibinaba na sa kategoryang typhoon ang Bagyong Inday mula sa pagiging super typhoon. Gayunman, patuloy pa ring binabantayan ang mga coastal municipalities ng Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez Mira, Claveria, at Santa Praxedes.
Ayon kay PDRRM officer Rapsing, banayad lamang ang nararanasang hangin sa Cagayan at nananatiling mainit ang panahon, kaya wala pang direktang epekto ng bagyo sa lalawigan.
Gayunpaman, nagsagawa na ang PDRRMO ng mga kinakailangang paghahanda matapos ang pulong kasama ang DOST-PAGASA noong Martes. Kabilang dito ang pagbibigay ng paalala sa mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang posibleng storm surge at pagtaas ng alon dulot ng malalakas na hangin ng bagyo.
Dagdag pa niya, nananatiling nakapuwesto ang mga rescue personnel at disaster response assets ng lalawigan upang agad na makaresponde sakaling magkaroon ng anumang emergency.
Samantala, sinabi rin ni Rapsing na nananatili pa ring nasa ilalim ng state of calamity ang Cagayan dahil sa matinding epekto ng tagtuyot at kakulangan ng ulan na nakaapekto sa sektor ng agrikultura.
Aniya, patuloy pa ring umaasa ang mga magsasaka na lalakas ang southwest monsoon o habagat upang makapaghatid ng sapat na pag-ulan sa lalawigan at makatulong sa kanilang mga pananim.
Muling nanawagan ang PDRRMO sa mga residente, lalo na sa mga naninirahan sa mga baybaying lugar, na manatiling mapagmatyag sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad at umiwas muna sa paglalayag at iba pang aktibidad sa dagat kung kinakailangan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.











