--Ads--

Nananatiling zero casualty ang naitatala sa Abra sa kabila ng patuloy na pag-ulan na dulot ng sama ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmer Bersamin, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Abra, sinabi nitong nasa 2,388 pamilya o katumbas ng 6,604 indibidwal ang naapektuhan ng mga pag-ulan sa lalawigan.

Sa kabila nito, nananatiling bukas para sa mga motorista ang karamihan sa mga pangunahing kalsada sa lalawigan. May ilang bahagi lamang na isang lane ang maaaring daanan dahil sa mga landslide, ngunit passable pa rin ang mga ito.

Patuloy naman ang pag-ulan sa Abra na umaabot mula moderate hanggang heavy at maaari pang maging intense sa ilang pagkakataon, batay sa forecast ng PAGASA.

--Ads--

Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na suspendihin ang klase sa lahat ng antas, pampubliko man o pribado, upang matiyak ang kaligtasan ng mga studyante.

Suspendido rin ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, habang nakadepende naman sa mga pribadong kumpanya ang kanilang operasyon.

Samantala, may ilang lugar na binaha, partikular ang mga komunidad na malapit sa Abra River at mga tributary nito. Dahil sa mataas na lebel ng tubig, kinailangan ng mga residente na mano-manong itawid ang isang pasyente upang madala sa ospital sa Candon City.

Gayunman, aminado siyang delikado ang ganitong paraan ng transportasyon, kaya kinakailangang magsagawa ng kaukulang pag-iingat ang mga taong tumutulong sa pagdadala ng pasyente upang maiwasan ang anumang insidente.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lebel ng mga ilog, kondisyon ng mga kalsada at sitwasyon ng mga komunidad na posibleng maapektuhan ng patuloy na pag-ulan.