Patuloy na bumababa ang water elevation sa Baligatan Diversion Canal at inaasahan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na maaabot na nito ang kritikal na antas sa mga susunod na araw kung hindi pa rin makararanas ng sapat na pag-ulan sa watershed ng Magat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Engineer ng NIA-MARIIS, sinabi niyang patuloy nilang mino-monitor ang pagbaba ng water elevation dahil wala pa ring sapat na pag-ulan sa watershed ng Magat Dam. Aniya, ang Baligatan Diversion Canal ang nagsusuplay ng tubig sa ilang mga pangunahing kanal ng irigasyon sa ilang bahagi ng lalawigan na nagseserbisyo sa humigit-kumulang 12,000 ektarya ng sakahan.
Ayon kay Dimoloy, bagama’t may tubig pa sa MARIIS Main Canal, posibleng wala nang dumaloy na tubig pagsapit ng Hulyo 20 kung hindi pa rin makararanas ng ulan ang lugar. Dahil dito, nanganganib ang mga pananim na umaasa sa sistema ng irigasyon, kabilang ang kabuuang 75,000 ektarya ng mga sakahan sa saklaw rito.
Sinabi rin niya na maaaring lumala ang kalidad ng tubig habang patuloy na bumababa ang lebel nito. Aniya, posibleng maging marumi, mabaho at magkaroon ng hindi kanais-nais na kalidad ang tubig na dadaloy sa mga palayan kapag lalo pang bumaba ang water level.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang NIA sa Department of Agriculture para mapabilis ang planong cloud seeding operation. Bagama’t nakatakda pa sana ito sa Hulyo 21, umaasa ang ahensya na maisasagawa ito nang mas maaga habang mayroon pang mga seedable clouds upang mas maraming pananim ang maisalba.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin ang NIA sa kanilang administrador upang magamit ang bahagi ng kanilang pondo para sa pagbibigay ng fuel subsidy sa mga magsasakang gumagamit ng mga bomba at shallow tube well bilang alternatibong pinagkukunan ng tubig. Ayon kay Dimoloy, hindi man kayang sagutin ng ahensya ang kabuuang gastusin, makapagbibigay ito ng karagdagang tulong sa mga apektadong magsasaka at mayroon nang ilang benepisyaryong nakatanggap ng naturang ayuda.
Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang kakulangan ng ulan, maaaring maranasan ng Magat Dam ang isang worst-case scenario dulot ng matinding epekto ng El Niño, na mas maagang nararamdaman ngayong taon kumpara sa karaniwang panahon ng Setyembre o Oktubre.










