--Ads--

Nasawi ang isang 16-anyos na dalagita habang sugatan naman ang kanyang lolo matapos sumalpok sa isang puno ng mangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kahabaan ng national highway, Barangay Maggasi, Cabagan, Isabela, nitong Hulyo 9.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, Chief of Police ng Cabagan Police Station, sinabi nitong pauwi na ang maglolo sa bayan ng Benito Soliven matapos dumalo sa lamay ng kanilang kamag-anak sa Tuguegarao.

Ayon sa imbestigasyon, posibleng napuyat umano ang lolo dahil nagluto ito sa lamay kaya nakaidlip ito habang nagmamaneho, dahilan upang mawalan ng kontrol ang motorsiklo at sumalpok sa isang puno ng mangga.

Dahil dito ay nawalan ito ng kontrol at bumangga sa isang puno ng mangga.

--Ads--

Agad na rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at isinugod sa ospital ang dalawang biktima. Gayunman, idineklarang dead on arrival ang 16-anyos na apo habang ang lolo ay nabigyan ng paunang lunas bago inilipat sa Cagayan Valley Medical Center para sa karagdagang gamutan.

Ayon kay PMaj. Villanueva, tanging ang lolo lamang ang nakasuot ng helmet habang walang suot na helmet ang dalagita, dahilan upang ito ang higit na napuruhan sa insidente. Nilinaw rin niyang walang ibang sasakyan o motorista ang nadamay. Hindi rin umano maituturing na accident-prone area ang pinangyarihan ng aksidente.

Bilang hakbang upang mabawasan ang mga kahalintulad na insidente, sinabi ng opisyal na patuloy silang nagpapatrolya sa national highway gamit ang kanilang patrol car upang makita ng mga motorista ang presensya ng pulisya, naglalagay ng mga road signs, at patuloy na nagpapaalala sa publiko tungkol sa ligtas na pagmamaneho.

Samantala, muling hinikayat ni PMaj. Villanueva ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang katawan bago bumiyahe, iwasang magmaneho kung inaantok o pagod, magsuot ng helmet at iba pang protective gear, at huwag magmadali upang makaiwas sa mga trahedya sa kalsada.