Posibleng maharap sa contempt si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez kung hindi siya susunod sa subpoena na inilabas ng Senate impeachment court kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay impeachment court spokesman Regie Tongol, obligadong humarap ang mga testigong pinadalhan ng subpoena maliban kung may sapat silang legal na batayan upang kuwestiyunin ito.
Sinabi ni Tongol na hindi maaaring basta tanggihan ng isang testigo ang pagharap sa korte dahil ang pagsunod sa subpoena ay sapilitan sa ilalim ng umiiral na mga alituntunin. Aniya, maaaring maharap sa contempt of court ang sinumang mabigong sumunod nang walang wastong dahilan.
Gayunman, nilinaw niya na bibigyan muna ng pagkakataon si Lopez na magpaliwanag kung sakaling hindi siya makadalo bago magpasya ang korte kung may batayan para sa contempt proceedings.
Ayon pa kay Tongol, kailangang alamin muna ng korte kung may lehitimong dahilan ang isang testigo sa hindi pagharap, tulad ng pagkakasakit o pagiging nasa ibang bansa.
Noong Huwebes ay natanggap ni Lopez ang subpoena na nag-uutos sa kanyang humarap sa impeachment court sa Hulyo 13 at 14.
Nilinaw rin ni Tongol na bagama’t sakop ng subpoena ang araw ng Lunes, posibleng hindi pa si Lopez ang unang tumestigo dahil nakatakdang iharap ng prosecution bilang testigo si National Bureau of Investigation Regional Director Jeremy Lotoc.
Samantala, sinabi ng legal team ni Vice President Sara Duterte na wala silang kaalaman sa pagpunta ni Lopez sa Senado noong Huwebes bago ang nakatakdang impeachment trial sa susunod na linggo.
Sa panayam, sinabi ni defense spokesman Michael Poa na hindi ipinaalam ni Lopez sa kanilang kampo ang kanyang pagpunta sa Senado at nalaman lamang nilang may inaasikaso itong mga administratibong usapin. Ayon kay Poa, wala ring direktang komunikasyon ang defense team kay Lopez o sa OVP kaugnay ng naturang pagbisita.











