--Ads--

Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnaldo Ignacio ng usurpation of official functions kaugnay ng kontrobersyal na pagbili ng OWWA ng isang ari-arian na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), natanggap nila noong Hulyo 7 ang resolusyon ng Ombudsman na may petsang Hunyo 19, kung saan natukoy na nilagdaan ni Ignacio ang contract to sell, deed of absolute sale, at addendum nito, at inaprubahan ang pagpapalabas ng pampublikong pondo nang walang pahintulot mula sa OWWA Board of Trustees.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nakitaan ng Ombudsman ng sapat na basehan upang sampahan si Ignacio ng kasong usurpation of official functions sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code.

Binigyang-diin din ng Ombudsman na ang hindi pagkuha ng pag-apruba mula sa OWWA Board ay hindi lamang simpleng paglabag sa proseso kundi pag-iwas sa kinakailangang oversight at transparency na itinakda sa OWWA Charter.

--Ads--

Samantala, ibinasura ng Ombudsman ang mga reklamong may kaugnayan sa katiwalian laban sa iba pang dating opisyal ng OWWA at sa mga pribadong nagbenta ng ari-arian.

Dahil dito, sinabi ni Cacdac na magsusumite ang DMW ng Motion for Reconsideration upang muling igiit ang umano’y hindi patas na pakinabang na naibigay sa nagbenta ng ari-arian at ang sinasabing pinsalang naidulot nito sa pamahalaan.

Ayon kay Cacdac, nais nilang muling suriin ng Office of the Ombudsman ang mga detalyeng kanilang isinumite na aniya’y hindi sapat na natalakay sa inilabas na resolusyon.