Umakyat na sa 4,333 ang bilang ng mga nasawi sa dalawang malalakas na lindol na tumama sa Venezuela noong Hunyo 24, ayon kay National Assembly President Jorge Rodriguez.
Sa tala ng mga awtoridad, nananatili sa 16,740 ang bilang ng mga nasugatan habang 6,462 katao naman ang nailigtas. Tinatayang nasa 17,000 residente ang nawalan ng tirahan dahil sa pinsalang dulot ng kalamidad. Kabilang din sa mga nasawi ang 315 katao na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Sinabi ni Rodriguez na sisimulan na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng unang 200 pabahay para sa mga apektadong pamilya sa pangunguna ni acting President Delcy Rodriguez. Tinatayang 25,000 bahay ang kinakailangan upang matugunan ang pangangailangan ng mga nawalan ng tahanan.
Ayon pa sa opisyal, nasa 856 gusali ang napinsala ng lindol, kung saan 190 ang tuluyang gumuho o nagtamo ng matinding structural damage. Patuloy naman ang search and rescue operations sa mga lugar na pinaniniwalaang may mga nawawala pa, habang umaasa ang mga awtoridad na may mga makaliligtas pa sa trahedya.










