Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapalakas ng presensya ng mga pulis at paghahanda ng mga tauhan at kagamitan upang matugunan ang mga epekto ng Bagyong Inday sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bagama’t hindi direktang tumama sa kalupaan ang bagyo, nagdulot ito ng pagguho ng lupa at pagbaha sa ilang lugar, partikular sa Visayas at Mindanao. Dahil dito, umabot na sa 18 ang nasawi habang 14 naman ang naiulat na nawawala.
Ayon kay Nartatez, patuloy na nakikibahagi ang PNP sa search and rescue operations, clearing operations, pamamahagi ng ayuda, at iba pang mga hakbang upang matulungan ang mga apektado ng kalamidad.
Nauna nang isinailalim sa heightened alert status ang mga police unit sa buong bansa upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang pangangailangan ng mga mamamayan.










