--Ads--

Nasawi ang dalawang katao habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos ang pamamaril malapit sa isang street festival sa Toronto, Canada nitong Sabado.

Ayon sa Toronto Police, naglunsad sila ng operasyon upang tugisin ang suspek na responsable sa insidente na naganap sa lugar na may mga tindahan at restaurant sa kahabaan ng St. Clair Avenue West at Arlington Avenue.

Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang limang biktima na may mga tama ng bala. Agad na pinayuhan ang publiko na iwasan ang lugar habang isinasagawa ang operasyon.

Kalaunan ay inihayag ng mga awtoridad na ligtas na ang lugar matapos ma-secure ang crime scene, subalit nananatili pa rin ang presensya ng mga pulis sa paligid.

--Ads--

Ayon sa ulat, naganap ang pamamaril habang idinaraos ang Salsa on St. Clair festival, isang pagdiriwang ng kulturang Latino na dinarayo ng maraming residente at turista.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng suspek o kung may naaresto na kaugnay ng insidente.

Naganap ang pamamaril ilang linggo matapos ang isa pang madugong insidente sa Montreal noong nakaraang buwan kung saan dalawang katao, kabilang ang isang pulis, ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang suspek na kalaunan ay napatay din ng mga awtoridad.