Lalong tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ihayag ng Iran’s Revolutionary Guards na winasak nito ang isang command and control center at mga drone hangar sa Jordan, na kilalang kaalyado ng Estados Unidos.
Kasunod ito ng isinagawang pag-atake ng Estados Unidos laban sa Iran bilang tugon sa umano’y pag-target ng Tehran sa isang barko sa Strait of Hormuz. Nauna nang idineklara ng Iran na sarado ang mahalagang rutang pandagat at nagbabala na maaari pa nitong targetin ang iba pang mga base ng kalaban sa rehiyon sakaling magkaroon ng panibagong pag-atake laban dito.
Samantala, nagbigay ng mga pahayag ang mga awtoridad sa United Arab Emirates, Bahrain at Qatar na nagpapahiwatig na nakararanas din ang kanilang mga bansa ng mga pag-atake.
Ayon sa Ministry of Defense ng United Arab Emirates, aktibong sinasalubong ng kanilang air defense systems ang mga missile at drone na nagmumula umano sa Iran.
Sa Bahrain, iniulat ng Interior Ministry na umalingawngaw ang mga sirena bilang bahagi ng kanilang emergency response measures.
Sa Qatar naman, nakarinig ng malalakas na pagsabog sa kabisera nitong Doha habang nagpadala ang pamahalaan ng security alert sa mga mobile phone ng mga residente. Pinayuhan ang publiko na manatili sa kanilang mga tahanan at iba pang ligtas na lugar.
Kalaunan ay kinumpirma ng pamahalaan ng Qatar na matagumpay na naharang ng kanilang sandatahang lakas ang isang missile attack na tumama sana sa bansa.
Patuloy na binabantayan ng mga bansa sa rehiyon at ng pandaigdigang komunidad ang mabilis na paglala ng sigalot na maaaring magdulot ng mas malawak na krisis sa Gitnang Silangan.










