Maari nang makita at ma-access ng publiko ang lahat ng dokumentong may kaugnayan sa kasalukuyang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng Senate website.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, bahagi ito ng hakbang ng Senado upang matiyak ang bukas, malinaw, at transparent na proseso ng paglilitis, gayundin ang pagpapanatili ng integridad ng institusyon.
Sinabi ni Gatchalian na inatasan na niya ang Senate Secretariat na tiyaking may sapat na resources upang agad at episyenteng maisapubliko ang mga dokumentong ihaharap sa paglilitis.
Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang publiko na personal na beripikahin at suriin ang mga ebidensyang inihaharap sa impeachment court.
Inanyayahan din ng Senate President ang mga Pilipino na basahin, pag-aralan, at unawain ang mga nagiging proseso sa pagdinig upang magkaroon ng sariling pagsusuri sa usapin.
Binigyang-diin ni Gatchalian na bagama’t ang mga senador ang nagsisilbing senator-judges sa impeachment trial, ang tunay at huling huhusga sa proseso ay ang sambayanang Pilipino.











