Arestado ang dalawang senior citizen na lalaki matapos umano nilang pagnakawan ang isang 74-anyos na lola habang sakay ng jeep sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Police Captain Reynaldo Agrave, Deputy Chief of Police ng Aritao PNP, naganap ang insidente noong Hulyo 10 habang bumibiyahe ang jeep mula Bambang patungong Aritao. Sumakay ang biktima sa Brgy. Darapidap at doon umano isinagawa ng mga suspek ang kanilang modus.
Habang kinakausap ng isa sa mga suspek ang lola, palihim namang dinudukot ng kanyang kasabwat ang bag ng biktima. Napansin ito ng isang barangay kagawad na kapwa pasahero at agad na binalaan ang lola matapos silang bumaba ng sasakyan.
Doon nadiskubre ng biktima na nawawala ang kanyang pitaka na may lamang P6,150.
Sa tulong ng Public Order and Safety Officers at mga pulis, natunton ang mga suspek na kumakain sa isang restaurant sa Aritao. Lalo pang tumibay ang ebidensya laban sa kanila nang matagpuan ang pitaka ng biktima sa ilalim ng kanilang mesa.
Kinilala ang mga suspek na edad 67 mula Umingan, Pangasinan at 63 mula Santiago City. Nahaharap sila ngayon sa kasong theft.
Ayon sa Aritao PNP, posible pang madagdagan ang mga kaso laban sa dalawa matapos may iba pang indibidwal na nagtungo sa himpilan at nagsabing nabiktima rin sila ng kaparehong modus operandi. Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko, lalo na sa mga senior citizen, na maging mapagmatyag at iwasang magdala ng malaking halaga ng pera at mamahaling alahas habang bumibiyahe.











