Posibleng maging bahagi ng pampublikong transportasyon sa Cauayan City ang mga electric bus matapos itong ipresenta sa ilang transport cooperative bilang alternatibong sasakyan sa mga gumagamit ng fossil fuel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dang Tirante, Manager ng kumpanyang nagpresenta ng naturang electric bus, sinabi niyang layunin nilang maipakilala sa mga transport cooperative ang teknolohiya bilang mas episyenteng opsyon para sa pampublikong transportasyon.
Ayon kay Tirante, malaking konsiderasyon sa paglipat sa electric bus ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil mababawasan ang pagdepende ng mga operator sa fossil fuel.
Ipinaliwanag niya na ang isang unit ay may kakayahang bumiyahe nang hanggang 200 kilometro sa isang full charge at mayroon itong fast charging capability.
Sinabi ni Tirante na ang 92-kilowatt-hour battery ng electric bus ay maaaring ma-full charge sa loob ng humigit-kumulang isa at kalahating oras gamit ang 60-kilowatt fast charger. Gayunman, mas mainam aniya ang regular na pag-charge o pag-top up habang may pagkakataon upang mapanatili ang tuloy-tuloy na operasyon ng sasakyan.
Dagdag pa niya, kinakailangan ding matukoy ang mga lugar na maaaring lagyan ng fast charging station, lalo na sa mga rutang mahahaba ang biyahe, upang masiguro ang maayos na operasyon ng electric bus.
Ayon pa kay Tirante, hindi point-to-point ang magiging operasyon ng electric bus dahil maaari itong magsakay at magbaba ng mga pasahero sa mga itinakdang lugar sa kahabaan ng ruta, kasabay ng layunin ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon.
May kapasidad ang naturang unit na magsakay ng humigit-kumulang 30 pasahero, kung saan 20 ang nakaupo at nasa 10 hanggang 15 naman ang maaaring nakatayo.
Samantala, sinabi naman ni Ginoong Rolando Sayago, kinatawan ng isang transport cooperative, na bukas sila sa paggamit ng electric bus kung mapatutunayang magiging kapaki-pakinabang ito sa kanilang hanapbuhay.
Aniya, susunod sila sa magiging desisyon ng kanilang kooperatiba at nais muna nilang masuri ang magiging benepisyo nito sa operasyon, kabilang ang maintenance at pang-araw-araw na paggamit. Dagdag pa niya, handa silang suportahan ang naturang programa kung makabubuti ito sa mga operator, driver, at mga pasahero.










