Patong patong na kaso ang posibleng kaharapin ng 37-anyos na lalaki sa isinagawang operation ng mga awtoridad sa Purok 2, Brgy. Rizal, Alicia, Isabela kaninang madaling araw.
Ayon sa pulisya, magsisilbi lamang sana sila ng warrant of arrest laban sa suspek na si alyas ‘Jong’, single, walang trabaho, at residene sa nasabing Barangay. Gayunman, nang mapansin umano nito ang pagdating ng mga operatiba ay agad itong tumakbo papasok ng kaniyang bahay at nagtangkang tumakas. Agad naman siyang nahabol at naaresto ng mga awtoridad. Bukod sa kaniya, dalawa pang indibidwal ang inaresto sa naturang operasyon.
Sa isinagawang paghalughog sa bahay ng suspek, nadiskubre ng mga operatiba ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang Armscor shotgun, isang Armscor caliber .45 pistol, isang replica hand grenade, mga bala ng iba’t ibang kalibre, dalawang digital weighing scale, dalawang glass pipe, mga plastic sachet, aluminum foil, gun holster, gun sling, iba’t ibang disposable lighter, at iba pang hinihinalang drug paraphernalia. Narekober din ang ₱11,910 na hinihinalang drug money.
Ayon pa sa pulisya, naaresto na rin ang suspek noong 2024 sa parehong lugar, matapos ding makuhanan ng hinihinalang shabu, mga baril, at iba pang drug paraphernalia.
Iniuugnay rin ng mga awtoridad ang suspek sa shooting incident noong Marso 12, 2026, kung saan nasawi ang isang tricycle driver sa bahagi ng nungnungan 2, cauayan city. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang kaniyang posibleng partisipasyon sa naturang insidente.
Sa panayam, tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag. Gayunman, iginiit nito na hindi umano sa kaniya ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong naarestong indibidwal habang inihahanda ang kaukulang mga kasong isasampa laban sa kanila dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at iba pang kaugnay na paglabag sa batas. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lawak ng kanilang pagkakasangkot sa iba pang insidente sa lalawigan.











