--Ads--

Naaresto ng mga awtoridad ang isang 37-anyos na lalaking wanted sa kasong murder matapos ang isinagawang operasyon sa Sitio Andarayan, Barangay Rizal, Alicia, Isabela, madaling-araw ng Hulyo 15, kung saan nakumpiska rin ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱6.8 milyon, mga baril, bala, granada at iba pang ebidensiya.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si alias “Mel” na kilala rin sa alyas na “Jong,” residente ng nasabing barangay. Siya ay nahaharap sa kasong Murder batay sa Warrant of Arrest na inilabas noong Hulyo 14, 2026, na walang inirekomendang piyansa.

Ayon sa pulisya, magsisilbi lamang sana ng warrant of arrest ang mga operatiba nang mapansin umano ng suspek ang kanilang pagdating. Dahil dito, agad itong tumakbo papasok sa kanyang bahay at nagtangkang tumakas subalit mabilis siyang nahabol at naaresto ng mga awtoridad. Dalawa pang indibidwal ang nadakip sa naturang operasyon.

Pinangunahan ng Tracker Team ng Cauayan Component City Police Station ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Alicia Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Major Felix Mendoza, kasama ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, RID-RSOG, RIU2 Isabela East, Isabela Highway Patrol Team, RMU2, at 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company.

--Ads--

Dahil itinuturing na armado at mapanganib ang suspek, nagsagawa ng tactical approach ang SWAT Team ng Cauayan Component City Police Station sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo upang matiyak ang ligtas na pag-aresto sa kanya sa loob ng kanyang bahay.

Sa isinagawang legal na paghahalughog, nakumpiska ang apat na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang isang kilo at tinatayang halaga na ₱6.8 milyon.

Narekober din ng mga awtoridad ang isang Armscor shotgun na may limang bala ng 12-gauge shotgun shells, isang Armscor caliber .45 pistol, isang hand grenade, isang replica hand grenade, mga bala ng iba’t ibang kalibre, dalawang digital weighing scale, dalawang glass tube pipe, mga plastic sachet, aluminum foil, gun holster, sling bag, samurai, at iba pang hinihinalang drug paraphernalia.

Nasamsam din ang ₱11,910 na hinihinalang drug money mula sa suspek.

Ayon pa sa pulisya, naaresto na rin umano ang suspek noong 2024 sa kaparehong lugar matapos makuhanan ng hinihinalang shabu, mga baril at iba pang drug paraphernalia.

Iniuugnay rin ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril noong Marso 12, 2026 sa Nungnungan 2, Cauayan City na ikinasawi ng isang tricycle driver. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang kanyang posibleng pagkakasangkot sa naturang insidente.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek ngunit iginiit nito na hindi umano sa kanya ang mga nakumpiskang hinihinalang droga.

Agad na minarkahan, inimbentaryo at kinuhanan ng larawan ang lahat ng nakumpiskang ebidensiya sa presensya ng suspek at mga kinatawan mula sa Department of Justice, media at barangay.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong naarestong indibidwal habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at iba pang kaugnay na batas. Isasailalim naman sa laboratory examination ang mga nakumpiskang hinihinalang droga habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng mga awtoridad.