--Ads--

Hindi na ipiprisinta ng House prosecution panel ang ilang nakatakdang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng Impeachment Article IV na tumatalakay sa umano’y pagbabanta ng Bise Presidente.

Sa pagdinig ngayong Miyerkules, Hulyo 15, inanunsyo ni Lead Prosecutor Gerville Luistro na kabilang sa mga hindi na ihaharap bilang testigo ang kinatawan mula sa Philippine National Police Firearms and Explosives Office (PNP-FEO), mga mamamahayag na sina Mikhail Flores at Bonz Magsambol, Sheriff Abe Andres, isang kaanak ng umano’y biktima ng pagbabanta, at isang psychiatrist.

Ayon kay Luistro, si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang magsisilbing huling testigo ng prosecution para sa Article IV.

Inaasahang magbibigay si Matibag ng kabuuang paglilinaw sa mga alegasyon ng pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez na nakapaloob sa impeachment complaint.

--Ads--

Sinabi naman ng prosecution panel na ang pag-alis sa ilang testigo ay bahagi ng kanilang hakbang upang mapabilis ang pagdinig at higit na maituon ang presentasyon ng ebidensya sa mga testimonya na direktang may kaugnayan sa mga paratang laban sa Bise Presidente.