Pinabulaanan ng isa sa mga akusado sa pagpatay sa isang lalaki sa Nungnungan 2, Cauayan City noong Marso 12, 2026 na mayroon siyang direktang partisipasyon sa krimen.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas Mark, sinabi nito na bagama’t aminado siyang siya ang nagmaneho ng motorsiklong sinakyan ng umano’y gunman at isa pang kasama bago ang insidente. Aniya, wala umano siyang kaalaman sa planong pagpatay dahil nagpasundo lamang sa kanya ang dalawa.
Ayon sa akusado, hindi rin niya alam ang motibo ng kanyang mga kasama sa pagpatay sa biktima.
Iginiit din niya na wala siyang natanggap na subpoena kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya.
Bukod dito, sinabi ni alyas Mark na pinasok umano ng mga pulis ang kanyang bahay at nagsagawa ng paghahalughog kahit wala umanong ipinakitang search warrant.
Gayunman, depensa ng Philippine National Police (PNP), hindi umano sila nagsagawa ng paghahalughog sa bahay ng akusado. Ayon sa pulisya, kinapkapan lamang nila si alyas Mark sa oras ng pag-aresto, kung saan umano nasamsam mula sa kanya ang ilegal na droga.










