Hindi umano dapat ituring na panggigipit ang planong imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga alegadong anomalya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa New Clark City, Pampanga sa panahon ng pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, lumutang ang usapin matapos makatanggap ng impormasyon si NBI Director Melvin Matibag hinggil sa umano’y mga iregularidad sa pondo at mga proyektong imprastraktura ng SEA Games nang bumisita ito sa Clark para inspeksyunin ang planong pagtatayuan ng NBI Academy.
Ipinaliwanag ni Castro na tungkulin ng NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang ulat o reklamong may kaugnayan sa posibleng anomalya, kabilang ang mga usapin sa umano’y P10 bilyong hindi pa naliliquidate na pondo, kawalan ng bidding sa ilang proyekto, at ang kontrobersyal na P50 milyong cauldron.
Binigyang-diin niya na hindi na kailangan ng direktang utos mula sa Pangulo upang magsagawa ng imbestigasyon ang NBI dahil bahagi ito ng mandato ng ahensya.
Aniya, kung walang ginawang paglabag ang sinuman, wala ring dahilan upang mabahala sa isinasagawang imbestigasyon.
Itinanggi rin ni Castro ang mga pahayag na pinupuntirya o inuusig ng administrasyon ang mga kritiko nito. Aniya, hindi dapat ikonekta ang imbestigasyon sa anumang personal o pampulitikang alitan.
Tungkol naman sa usapin ng timing ng imbestigasyon, sinabi ni Castro na nagkataon lamang na nakarating ang impormasyon kay Matibag sa kanyang kamakailang pagbisita sa Clark City, dahilan upang mabanggit niya ito sa isang ambush interview.











