--Ads--

Iginiit ng public interest at human rights lawyer na si Atty. Dino De Leon na hindi dapat agad bigyang-kahulugan ang pagbabawas ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil bahagi lamang ito ng karaniwang legal strategy ng mga abogado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. De Leon, sinabi niya na normal lamang sa mga abogado ang paglalagay ng mas maraming pangalan ng mga testigo sa kanilang pre-trial brief kaysa sa aktuwal na ihaharap sa paglilitis.

Ayon sa kanya, ginagawa ito upang magkaroon ng sapat na opsyon ang magkabilang panig depende sa magiging direksyon ng kaso, sa mga ebidensyang ihaharap, at sa mga isyung lilitaw habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Ipinaliwanag ni De Leon na bahagi ito ng karaniwang legal strategy kaya masyado pang maaga upang magbigay ng malalim na interpretasyon sa naging desisyon ng depensa at prosekusyon na huwag nang iharap ang ilan sa kanilang mga nakalistang testigo. Aniya, maaari pang mabago ang listahan ng mga testigo habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings.

--Ads--

Ang pahayag ng abogado ay kasunod ng desisyon ng kampo ni Duterte at ng House prosecution panel na bawasan ang bilang ng mga testigong ihaharap sa Senado, kabilang ang ilang opisyal ng pamahalaan at iba pang personalidad na una nang isinama sa kanilang mga pre-trial submissions.

Umaasa naman si De Leon na mas magiging maayos at mabilis ang daloy ng paglilitis sa mga susunod na araw. Aniya, dalawang testigo pa lamang ang natatapos sa pagdinig at nagiging mas teknikal na ang mga usaping tinatalakay, dahilan upang maging mahirap itong masundan ng karaniwang mamamayan.

Kasabay nito, binatikos niya ang naging asal ng ilang senador sa impeachment court, partikular ang magkapatid na Senador Alan Peter Cayetano at Senador Pia Cayetano, na aniya’y nagbigay ng impresyong mas mataas ang kanilang katayuan kumpara sa mga kapwa senador na hindi abogado.

Sinabi ni De Leon na mahalagang mapanatili ang pagiging propesyonal at magalang sa loob ng impeachment court upang hindi maapektuhan ang kredibilidad ng proseso.

Umaasa rin siya na maaaksyunan ng presiding officer ang anumang asal na maaaring ituring na hindi angkop o improper sa pagdinig upang manatiling maayos at patas ang takbo ng impeachment trial.