Mas paiigtingin ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang pagbabantay sa pagtaas ng tubig sa mga bahaing lugar matapos ikabit ang isang automated water level sensor sa Alicaocao Overflow Bridge bilang bahagi ng pagpapalakas ng early warning system at paghahanda sa panahon ng kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Michael Canero, Officer in Charge ng Cauayan City Command Center, sinabi nito na ang naturang kagamitan ay may kakayahang mag-monitor ng water level nang tuluy-tuloy o 24/7 sa pamamagitan ng web-based system, na nagbibigay ng real-time na datos sa mga awtoridad nang hindi na kinakailangang personal na puntahan ang lugar upang tingnan ang mga nakalagay na staff gauge.
Ayon kay Canero, mahalaga ang sensor sa pagbibigay ng mas maagang babala sa mga barangay na posibleng maapektuhan ng pagbaha dahil agad na natutukoy ng sistema kung umabot na sa kritikal na antas ang tubig batay sa itinakdang early warning advisory guide ng lungsod.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mas maagang naipatutupad ang mga hakbang tulad ng preemptive evacuation upang mailayo sa panganib ang mga residente bago pa man umapaw ang tubig, kabilang na ang mga lugar na madalas maapektuhan gaya ng West Tabacal at iba pang mabababang komunidad.
Nilinaw rin ni Canero na ang water level sensor ay hindi nilagyan ng sirena at nagsisilbi lamang bilang monitoring equipment na nagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad na siyang magpapalabas ng kaukulang babala at advisories sa publiko.
Samantala, sinabi niyang ang pondo para sa proyekto ay nagmula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) ng lokal na pamahalaan.
Tiniyak din ng opisyal na dumaan sa masusing pag-aaral ang lokasyon at disenyo ng pagkakakabit ng sensor katuwang ang City Engineering Office upang matiyak na kakayanin nito ang malalakas na agos ng tubig at mga inaanod na debris tuwing may matinding pagbaha.
Ipinaliwanag pa niya na ang sensor ay inilagay sa taas na ibinatay sa pinakamataas na naitalang water level noong pananalasa ng Bagyong Ulysses upang matiyak na mananatili itong gumagana kahit sa panahon ng matinding pagbaha at patuloy na makapagbibigay ng mahalagang impormasyon para sa kaligtasan ng mga residente.









