Natagpuan ang isang patay na baboy na nakasilid sa sako sa ilog na nasasakupan ng Alicaocao Overflow Bridge kahapon, Setyembre 24.
Ramdam sa paligid ang matinding amoy mula sa nabubulok na bangkay ng hayop.
Ayon sa mga nakakita at residenteng malapit sa ilog, posibleng inanod lamang ito mula sa karatig-bayan at naipit sa mga nakaharang na sanga ng kahoy sa ilalim ng tulay.
Ikinabahala naman ng mga residente ang posibleng epekto nito sa kalinisan at kalusugan ng komunidad, lalo na’t ang pagtatapon ng patay na hayop sa mga ilog at iba pang anyong-tubig ay maaaring magdulot ng panganib sa kapaligiran at publiko.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang responsable sa pagtatapon nito at kung may kaugnayan ang insidente sa mga naitalang kaso ng African Swine Fever o ASF sa mga karatig-lugar at sa lungsod.











