SInimulan na linisan kahapon ng Public Order and Safety Office (POSD) ang paglilinis sa nadiskubreng patay na baboy na itinapon kahapon Setyembre 23, sa Alicaocao Bridge, upang matiyak ang kalinisan ng paligid at maiwasan ang posibleng banta nito sa kalusugan ng publiko.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarico Mallilin, naisagawa ang clearing operation sa tulong ng
mga barangay tanod at mga punong barangay ng Chica at Alicaocao.
Mabilis na naiahon ang bangkay ng baboy sa tulong ng isang backhoe na ipinahiram ni Engineer Lagayam, Ayon sa POSD, decomposed o nangingitim na ang baboy at nagdudulot na ng matinding baho sa mga motoristang dumadaan sa tulay.
Ayon pa kay POSD Chief. Mallilin, batay sa kanilang pagsusuri sa CCTV sa Alicaocao Bridge, na walang dumaang sasakyan o indibidwal na nagtapon ng baboy sa mismong tulay.
Dahil dito, malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na ipinaanod lamang ang bangkay ng baboy sa ilog at nanggaling pa ito sa kalapit na bayan bago napadpad at nabalahaw sa nasabing bahagi.
Inuugnay ngayon ng mga awtoridad sa banta ng African Swine Fever o ASF ang natagpuang patay na baboy na ipinaanod sa ilog sa bahagi ng Alicaocao Bridge.
Sa naging pahayag naman ni Dr. Ronald Dalauidao ng City Veterinary Office, umaabot na sa mahigit sampung barangay ang apektado ng nakamamatay na virus sa mga baboy at patuloy pa ring nadaragdagan ang mga naitalang kaso.










