Pansamantalang isasara ang Alicaocao Overflow Bridge sa Lungsod ng Cauayan mula alas-1:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon ngayong Huwebes, Hulyo 16, upang bigyang-daan ang paglalagay ng huling automated water level sensor bilang bahagi ng pagpapalakas ng flood monitoring system sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City, sinabi nito na maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara ang bahagi ng East Tabacal hanggang sa forest region habang isinasagawa ang paglalagay ng sensor.
Ayon kay Mallillin, batay sa kanilang monitoring ay patuloy pa rin ang pagdaan ng mga tao at sasakyan sa naturang tulay kaya kinakailangang pansamantala itong isara upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalagay ng kagamitan.
Aniya, nauna nang naglagay ng mga water level sensor sa lugar at ang ikakabit ngayong araw ang magsisilbing huling sensor sa proyekto. Bahagi ito ng magkakahiwalay na yugto ng implementasyon na kasalukuyang nasa ikalawa o ikatlong phase na.
Pinapayuhan naman ang mga motorista at pasahero na gumamit muna ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala sa kanilang biyahe habang nagpapatuloy ang trabaho sa lugar.
Binigyang-diin ni Mallillin na mahalaga ang mga automated water level sensor upang masubaybayan ang pagtaas ng antas ng tubig sa ilog, lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan at bagyo. Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang pagbibigay ng babala sa mga residente sakaling magkaroon ng pag-apaw ng ilog at pagbaha sa mga mabababang lugar.










