--Ads--

Nasawi ang isang barangay kagawad ng Barangay Malibago, Echague, Isabela matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kaninang umaga, Hulyo 17.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Domer Pelo, Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na pasado alas-7 ng umaga nang makatanggap ng ulat ang kanilang himpilan mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na pamamaril sa naturang barangay na agad namang nirespondehan ng mga pulis.

Ayon kay PMaj. Pelo, walang direktang nakasaksi sa insidente at tanging mga putok ng baril lamang ang narinig ng isa sa mga tauhan ng biktima. Matapos marinig ang mga putok, agad itong nagtungo sa compound kung saan nagmula ang mga ito at doon niya natagpuan ang biktima na nakahandusay at duguan.

Agad na humingi ng tulong ang tauhan upang maisugod sa pagamutan ang biktima, ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

--Ads--

Sinabi pa ni PMaj. Pelo na walang CCTV camera sa lugar at magkakalayo ang mga kabahayan, dahilan upang maging mahirap ang pagkuha ng posibleng video evidence kaugnay ng krimen.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng Echague Police Station upang matukoy at matunton ang gunman, gayundin ang motibo sa likod ng pamamaril.