inatikos ni Sen. Robin Padilla si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela kaugnay ng umano’y paglala ng “wartime propaganda” matapos kumalat ang kontrobersyal na AI-generated video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Sa isang Facebook post, iginiit ni Padilla na si Tarriela ang nagpasimula ng tensyon na nauwi sa naturang uri ng propaganda.
Bagama’t nauna nang kinondena ni Padilla ang AI-generated video, sinabi rin niya na sa pananaw umano ng mga dating colonizer sa West, pare-pareho lamang ang pagtingin sa mga Asyano.
Samantala, itinanggi ni Tarriela na propaganda ang mga hakbang ng PCG. Ayon sa kanya, layunin lamang ng ahensya na ilantad ang umano’y mga panggigipit ng China laban sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin din ni Tarriela na hindi katanggap-tanggap ang paglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy at iginiit na ito ay isang insulto sa sambayanang Pilipino.
Matatandaang kinondena rin ng iba’t ibang opisyal ng pamahalaan ang naturang AI-generated video ng China Daily, na kanilang inilarawan bilang rasista at mapanirang representasyon ng mga Pilipino. Sa video, makikita ang isang unggoy na nakabarong, may hawak na kopya ng 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea, at binobomba ng water cannon.











