Inaasahan ng House prosecution na maglalaman ng mahahalagang impormasyon ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, hindi niya maaaring ihayag sa ngayon ang detalye ng inaasahang testimonya ni Matibag upang hindi umano mawala ang epekto ng mga ilalahad nito.
“Kung sinabi ko iyon ngayon, hindi na pasabog iyon. So antayin po natin ang testimonya ni Director Matibag,” pahayag ni Ridon.
Si Matibag ang magsisilbing huling testigo ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV ng impeachment complaint, na tumatalakay sa mga pahayag ni Duterte laban sa Pangulo, First Lady at dating Speaker.
Ipinaliwanag ni Ridon na ilalahad ni Matibag ang kabuuang resulta ng imbestigasyon ng NBI, kabilang ang naging papel ng iba’t ibang tanggapan ng ahensya, at hindi lamang ang mga teknikal na natuklasan ng Cybercrime Division na nauna nang ipinresenta nina NBI Regional Director Jeremy Lotoc at Senior Agent John Mark Calilung.
Aniya, layunin ng testimonya ni Matibag na mabuo ang kabuuang salaysay ng NBI bilang isang institusyon kaugnay ng kaso.











