Iginiit ng isang constitutional law expert na hindi dapat maisama sa botohan ng impeachment court ang mga senador na hindi aktuwal na nakakadalo sa paglilitis ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng kahilingan ni Senator Rodante Marcoleta na kilalanin pa rin ang kanyang boto kahit siya ay nakakulong.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Egon Cayosa, Constitutional Law Expert, sinabi nito na hindi makadadalo sa impeachment court sina Marcoleta, Senator Jinggoy Estrada at Senator Ronald dela Rosa kaya hindi rin sila dapat makilahok sa botohan dahil bahagi ng pangunahing tungkulin ng isang senator-judge ang personal na pagdalo sa mga pagdinig.
Ayon kay Cayosa, ginamit ni Marcoleta bilang batayan ang Senate Rules na ipinatupad noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, kung saan pinayagang bumoto ang ilang senador kahit hindi personal na nakadalo sa paglilitis.
Gayunman, binigyang-diin niya na kahit pahintulutan ng impeachment court ang kahilingan ni Marcoleta, wala pa rin itong bisa kung hindi ito papayagan ng Sandiganbayan.
Samantala, kaugnay naman ng voting threshold, sinabi ni Cayosa na bagama’t nakasaad sa Konstitusyon na kinakailangan ang boto ng 2/3 ng mga senador upang mahatulan ang isang impeachable official, wala namang partikular na probisyon na nagsasabing kailangang umabot ito sa eksaktong 16 na boto.
Dahil dito, hindi nangangahulugan na dapat isama sa bilang ang lahat ng senador, kabilang ang mga hindi naman aktuwal na nakikilahok sa impeachment proceedings.











